Biyernes, Hulyo 12, 2013

Mga Paru-Parong Ligaw 15


Dalawang linggo na ang nakalipas simula ng huling makatanggap ng regalo mula sa kanyang secret admirer si Matt. Mukha pa naman itong pursigido pero susuko din pala. Napansin din ito ni Diddy.

“Mukhang napagod na sa panunuyo sayo ang secret admirer mo ah” bungad ni Diddy pagkaupong pagkaupo nito sa desk. Nagsisimula pa lang ang araw nila.

“Oo nga eh. Naubusan na yata ng bulaklak sa farm nila” ngingiti-ngiti namang tugon in Matt.

“Sayang. Magaganda pa naman ang mga bulaklak na pinapadala niya. Saka yung mga chocolates, halatang imported. Namimiss ko tuloy makikain”nakapangalumbabang reklamo ni Diddy.

“Eh di ikaw ang magpaligaw. Ikaw din naman ang nakakaubos ng chocolate eh”birong tugon naman ni Matt.

“Heh! Magitigil ka nga dyan. Mayroon akong sariling papa ano.” Pagsasaway nito.

“Eh di sabihan mo ang papa mo na bigyan ka din ng bulaklak at chocolates” si Matt.

“Di afford nun! Minsan nga, load lang sakin pa hinihingi eh” rekalmo naman ni Diddy

Hindi mapigilang matawa ni Matt sa naging sagot ni Diddy.

“Nga pala, tumawag kanina si Mr. Yosuke. Humihingi ng appointment kay Boss Sungit! I return call mo daw siya pag dating mo.” Paalala ni Matt bago bumalik sa trabaho.

“Nandyan na ba si Bossing?” usisa ni Diddy.

“Oo kanina pa. Mas nauna pa sakin.” Sagot ni Matt.

Iniangat ni Diddy ang awditibo ng telepono para tawagan si Mr. Yosuke ngunit may gumagamit pala ng linya. Hindi niya napigilan ang sariling makinig sa interesanteng usapan.

“Are you sure you are sending the flowers everyday?” tanong na lalaki sa kabilang linya. Nahuhulaan na
ni Diddy kung sino ito.

“Yes Sir. We have the receive forms here. It is signed by your Security Office.”Pagpapaliwanag naman ng
kausap nito.

“Eh bakit walang natatanggap si Matt” pagsasaboses ng lalaki sa tanong na bumabagabag sa isip nya.

“Ano ho iyon?” tanong naman ng kausap nito.

“Nothing, don’t mind it. I just said my thoughts aloud. Send them again tomorrow and I’ll let the Security Team know about it” 
pagpapaalam nito.

Matapos ang pag-uusap ay may nabuong hinala sa isip ni Diddy. Nakalimutan na tuloy niyang tawagan si Mr. Yosuke. Sa halip ay dali-dali niyang tinungo ang opisina ng Security sa ibaba ng building.

“Good Morning!” masiglang bati ni Diddy sa mga nagaalmusal na Security Officers.

“Good Morning Diddy! Gumaganda tayo ah” biro ng isa sa mga officers.

“May iuutos ba si Bossing mo?” tanong naman ng isa pa.

“Nope hindi, may itatanong lang ako. Kasi for the past weeks wala na kayong inaakyat ng bouquet sa itaas. Wala na bang nagpapadala?” diretsang tanong ni Diddy.

“Ah yun ba? Yung para kay Sir Matt?” usisa naman ng isa na may nakasubo pang pandesal sa bibig.

“Oo yun na nga” si Diddy.

Nagtinginan muna ang mga officers bago may naglakas loob na sumagot.

“Diddy atin-atin lang ito ha.” Babala ng isang Security Officer sa mahinang boses.

Yumukod naman si Diddy para makinig.

“Kasi, utos ni Sir Zerk na kapag may buoquet o kung ano mang package na padala sa office ninyo o kaya kay Chairman ay idaan daw muna sa kanya” pabulong na sabi ng isang officer.

“Araw-araw may dumarating na bulaklak at chocolate para kay Sir Matt. Nung isang araw nga, may malaking package eh” singit naman ng isa pang officer.

“Ibig mong sabihin walang nakarating sa opisina nyo?” usisa naman ng isa pa.

“Wala. Walang nakakarating saming bulaklak at chocolates. Pero yung ibang mga sulat at saka mga packages meron” wika naman ni Diddy.

“Ibig mong sabihin, hinaharang ni Sir Zerk ang mga iyon?” tanong ng isa pa.

“Hindi ko alam. Siguro. Malay natin” sagot ni Diddy. Sa likod ng isip niya ay ganoong mga katanungan din ang tumatakbo. Ng biglang may maalala siya na siyang nagpangiti sa kanya.

“O bakit ka nangingiti diyan?” usisa ng mga Security Officers.

“Wala naman. Salamat ha!” Pagpapaalam ni Diddy.

“Anytime!” sagot naman ng mga ito.

Dali daling umakyat si Diddy sa opisina at ng hindi madatnan si Matt sa table nito ay nag-iba siya ng plano. Mas magandang plano.

“Yes Diddy?” bungad ni Rem pagkapasok ng Sekretarya niya sa opisina.

“Alam ko na kung bakit di nakakarating kay Matt yung mga bulaklak at regalong pinapadala mo sa kanya” ratsada ni Diddy.

Biglang napatayo si Rem sa kinauupuan at dinamba si Diddy sabay takip sa bunganga ng kaibigan.

“Uhmm.. uhmm uhmm….” Reklamo ni Diddy.

Hinila ito ni Rem papunta sa isang sulok ng opisina nito bago tinanggal ang pagkakatakip ng kamay sa bibig ng kaibigan.

“Shhh!” pagsasaway ni Rem sa kaibigan. Nakaharang pa ang hintuturo nito sa magkadikit nitong labi.

“Ang sabi ko alam ko na kung bakit..” bulong ni Diddy. Hindi pa niya natatapos ang sasabihin pero pinigilan na siya ng kaibigan.

“Paano mong nalamang ako ang nagpapadala kay Matt?” usisa ni Rem.

Humagikgik si Diddy.

“Sikreto!”

“Diddy naman!” pinagmulatan pa siya ng mata ni Rem.

“Hindi na mahalaga yun. Ang mahalaga hinaharang ni Zerk ang mga regalong padala mo kay Matt.” Pagbabalita ni Diddy.

“Pano mo nalaman?” usisa ni Rem.

“Eh kasi nakachikahan ko yung mga Security Officers kanina. Nabanggit ko na hindi na sila nagdadala ng regalo sa amin. Ayun na tsismis nila na lahat daw ng packages at mga regalo na dadalhin sa office natin at ng Chairman ay dadaaan daw muna kay Zerk” pagpapaliwanag ni Diddy.

“Eh pano mo nasabing hinaharang ni Zerk?” usisa pa ni Rem.

Isang batok ang tinanggap ni Rem mula kay Diddy.

“Aray ko!” OA na react nito.

“Natural hindi na nakarating kay Matt. Ibig sabihin naharang na yun!” si Diddy.

“Eh pano mo nalamang ako ang nagpadala”

“Kaloka ka ha! Eh sa reaksyon mo palang ngayon eh huling huli ka na eh”natatawang sagot ni Diddy.

Biglang bumukas ang pintuan.

“Next time remember what I told you!” biglang tayo si Rem.

“Ano daw?” bulong ni Diddy sa sarili. Naunawaan lang niya ng makitang nakasungaw sa pintuan si Matt.

“Diddy, si Mr. Yosuke tumawag ulit.” Pagbabalita nito.

“Ay, Oo nga pala” bigla namang naalala ni Diddy ang return call na nakalimutan na niya.

“Akala ko nag return call ka na kanina. Nung umalis ako’y hawak hawak mo ang telepono at parang seryosong nakikinig” si Matt.

Tumingin si Diddy kay Rem. Gayundin naman ito. Pinagtaasan siya nito ng kilay at saka pinandilatan.

“Ah eh, voicemail kasi niya yung nakasagot kanina.” Dahilan ni Diddy habang nagmamadaling lumabas ng opisina ni Rem.

Nagtataka namang pinagmamasdan siya ni Matt. Saka tumingin kay Rem na waring nagtatanong. Umakto naman si Rem na hindi alam ang nangyayari.

Isasara na sana ni Matt ang pintuan ng tawagin siya ni Rem.

“Saan kayo magla-lunch?” tanong nito.

“Di ko pa sure eh, baka sa cafeteria na lang” sagot ni Matt.

“Tawagin nyo ako pag magla-lunch na kayo” bilin ni Rem bago bumalik sa table at hinarap ang trabaho.

Lunch Time. Gaya ng napagkasunduan ay sumabay si Rem kina Matt at Diddy. Sa cafeteria sila nagtungo.

Pagpasok pa lang ng cafeteria ay nakatingin na sa kanila ang mga tao. Ang iba’y mukhang nagtataka samantalang ang iba naman ay ngumingiti sa kanila. Umugong din ang mga bulungan na akala mo’y may mga bubuyog. May mangilan-ngilang bumati sa kanila. Ang ilan naman ay tumango at ngumiti lang.

Parang naiilang si Rem. Ngayon lang siya makikihalubilo sa mga tauhan ng GKC simula ng maupo siyang CEO ng kumpanya may tatlong buwan na ang nakakaraan. Actually hindi siya pormal na naipakilala ng dahil sa trahedya at kaguluhang naganap ng ipakilala si Earl bilang Chairman & President. Hindi na siya magtataka kung bakit iilan lang marahil ang nakakilala sa kanya at ang karamihan ay sinusuri siya mula ulo hanggang paa.

Hindi natigil ang usap-usapan ng mga tao. Pakiwari niya ay lahat ng mga mata ay nakatutok sa kanya.

Nang makarating sa counter ay binistahan niya ang menu saka umorder ng paboritong kare-kare. Gayon din ang ginawa ng mga kasama niya.

Bitbit ang kanikanilang tray ay humanap sila ng mesang mauupuan.

“Dito na lang po kayo Sir at ng makakwentuhan naman namin kayo” 
natawag ang pansin niya ng isang grupo ng mga kalalakihan.

Nilingon niya ang mga kasama at ng tumango ang mga ito ay tumango na rin siya.

Naupo silang tatlo sa may gitna ng mahabang lamesa.

“Kayo po pala ang pumalit kay Sir Perce” bungad ng lalaking nag-alok sa kanila ng upuan.

“Ah eh, Oo” tipid na sagot niya habang ibinaba ang pagkain mula sa tray.

“Ako nga po pala si Simeon Sir, Head Technician at sila po ang mga tauhan ko”pagpapakilala ng lalaki.

“Salamat sa imbitasyon niyo Simeon, Rem na lang itawag nyo sakin. Kapatid ko si Percy. Eto si Diddy, Secretary at bestfriend ko. At siya si Matt, Executive Assistant ko. ” 
pagpapasalamat at pagpapakilala na din ni Rem.

“Hindi na po pala kayo sa Security Sir Matt” komento ng isa.

“Balita po namin ay yung partner ninyong si Sir Zerk ang pumalit kay Gen. Umali”pagbabalita naman ng isa pa.

“Ah eh, hinire kasi akong EA nitong si Rem” pagpapaliwanag naman ni Matt.

“Naku Sir, siguro kung hindi kayo umalis sa Security ay kayo ang pumalit kay Gen. Umali” sabi naman ng isa pa.

“Bakit naman? Hindi ba mabuti ang pagtrato sa inyo ni Zerk?” usisa ni Rem.

“Naku Sir, hindi naman po sa ganon. Magaling po si Sir Zerk. Medyo masungit nga lang at istrikto” pagsasalo ni Simeon.

“Namana ho siguro ang palakad ni Gen. Umali” sabad naman ng isa pa.

“Ahh!” naisagot na lang ni Rem.

“Balita ko nga ay nagkakamabutihan na sila ni SVP Gatchalian.” Dagdag pa ng isa na tinutukoy si Candice.

“Naku Sir, malapit na hong maaprubahan ng IEEE ang licence natin sa OFDMA. Mabuti na lang at nagawa ninyong baguhin yung specifications. Kung si SVP lang kasi eh ayaw talaga niyang pumayag.” Pagbabalitapa ng isa na sinegundahan naman ng mga kasama nito.

“Si Diddy ang nakaisip non” 
pagbibigay credit ni Rem sa sekretarya.

“Lunch time guys, take work off from your system” pagsasawata ni Simeon sa mga tauhan.

“Oo nga naman. Kung gusto ninyo eh magset-up tayo ng meeting para dyan” sang-ayon ni Rem.

“Naku Sir, nakakahiya naman ho. Baka ho busy kayo” si Simeon.

“No, I can always find time to talk with you guys. Actually nahihiya lang talaga akong makipagusap dahil hindi naman ako formally naipakilala sa inyo” paliwanag ni Rem.

“Approachable din naman po pala kayo Sir, tulad ng Kuya ninyo” komento ng isa.

Namalayan na lang nilang dumadami na ang nakapalibot sa kanila.

“Sir, may Summer activity ba tayo?” tanong ng isa.

Natigil ang lahat at tiningnan ang nagtanong. Napayuko naman ito sa pagkapahiya.

“Magandang plano iyan” sabi ni Rem.

“If you want, you guys can plan a Summer Outing and then present it to me for approval. Ayos ba?” masiglang tugon ni Rem.

“Ayos Sir!” sabay sabay na sagot ng mga ito.

“Paano ba yan? My lunchtime is over. Lets do it again tomorrow okay?”pagpapaalam ni Rem.

“Yes Boss!” sagot naman ng ito.

“Oppss.. bawal ang Boss at Sir! Rem lang ang pwede” babala niya bago lumabas ng cafeteria.

Tango naman ang isinagot ng karamihan.

Tuwang-tuwa si Rem na naging resulta ng lunch nila. Gayundin naman sina Diddy at Matt. Mukhang nakuha na nga niya ang loob ng mga empleyadong kanyang pinamumunuan.

Gaya ng naipangako na niya. Araw-araw nilang inulit ang panananghalian sa cafeteria. At gaya din ng mga naunang araw ay maraming mga empleyado ang nagtutungo dito upang makipagkwentuhan sa kanila. Sa katunayan ay naiba na ang arrangement ng mga lamesa at upuan dito. May nakatalaga ng
upuan para sa kanila. Paminsan-minsan ay naisasama niya si Earl at game na game din naman itong makipagkwnetuhan sa mga tauhan nila. Dalawang batas lamang ang umiiral sa tuwing tanghalian nila.
Bawal pag-usapan ang trabaho, at siyempre bawal ang ma-late pagkatapos ng lunch.

Simula din ng araw na iyon ay hindi na naharang ang mga bulaklak, package, sulat at kung ano-ano pang mga pinapadala ni Rem kay Matt. Ang pagkakaalam ng lahat ay nalaman ni Rem ang tunugkol dito at pinagbawalan ang security na harangin ang mga ito. As long as walang kahinahinala sa mga ito ay hindi ito dapat na harangin. Mula noon ay araw-araw na ulit ang pagdating ng mga regalo niya kay Matt. Ang kainaman pa ay may nagrereport na sa kanya tungkol sa reaksyon nito. Si Diddy. Itsinitsismis nito sa kanya kung ano ang reaksyon ni Matt sa bawat ipinapadala niyang regalo. Ito rin ay nagmumungkahi kung ano ang dapat niyang ipadala dito.

Nalalapit na ang pagtatapos ng summer. Ilang araw na lang ay matatapos na ang May kung kaya’t minabuti nilang idaos na ang Summer Outing. Sa Canyon Cove sa Batangas nila napiling gawin ang Summer Outing ng kumpanya. Magsisilbi din itong team building para sa kanila.

Kagaya ng iba pang mga empleyado ay sumabay na sila sa service bus na siyang magdadala sa kanila sa Batangas. Mas pinili nilang gawin iyon upang ipakita na walang special treatment sa kanilang opisina.

Magkatabi si Rem at Matt sa pandalawahang upuan samantalang si Diddy ay katabi ang Secretary ni Earl. Isa itong chubby at maliit na babae. May kakulitan din ito kung kaya’t bagay na magtabi ito saka si
Diddy. Sa unahan naman nila ay magkatabi sina Percy at Earl. Ilang sandali pa bago umalis ang bus ay dumating sina Zerk at Candice. Naupo ang mga ito sa katapat na upuan nina Matt at Rem. Si Candice sa window side at si Zerk sa aisle. Lumalabas tuloy na magkatabi sina Zerk at Matt.

“Hey Buddy, long time no see” bati ni Zerk kay Matt

“Yeah, we’ve been busy” walang kalatoy latoy na sagot ni Matt. Pagkatapos ay isinuot nito ang shades nito at saka sumandal upang ipahiwatig na matutulog na ito.

Mukhang nakahalata naman si Zerk kaya hindi na ito nagsalita pa.

“Here Zerk, I brought some bagels” alok dito ni Candice.

“Thanks Candy, your really thoughtful” pagpapasalamat dito ni Zerk sabay kagat sa bagel na inalok dito ng babae.

Naramdaman ni Matt na kumuyom ang palad ni Rem. Nakalaylay kasi ito at nasa may hita niya. Tiningala niya si Rem. Blanko ang mukha nito at nakatingin sa labas ng bintana. Hinawakan ni Matt ang kamay
ni Rem at hinimas. Waring sinasabing “its okay”. Tumingin naman sa kanya ang katabi. Nginitian niya ito. Ngumiti rin ito saka pasimpleng tumingin kina Candice at Zerk. Nagsalubong ang tingin nina Rem at Zerk. Tinanguan ito ni Rem kung kaya’t tumango din ito.

Humigit kumulang tatlong oras ang itinagal ng byahe patungo sa Batangas. Halos kalahati ng byahe ay nagtutulog tulugan si Matt at nakikiramdam. Si Rem naman ay pinagsawa ang mata sa magagandang tanawin. Samantalang sina Diddy at Eva – ang secretary ni Earl ay puro tsismisan ang ginawa. Si Candice at Zerk naman ay pormal lang sa isa’t isa ngunit mauulinigan mo ang lambing sa tuwing magsasalita ang mga ito sa isa’t isa. Tulad na lamang ng mag stop over sila Tagaytay.

“Zerk hon, ibili mo naman ako ng coffee sa Starbucks, mag rerestroom lang ako”lambing ni Candice sa kasama.

Nahuli pa ni Matt na ginagaya ito ni Diddy ng makababa ang dalawa na siyang ikinatawa naman ng kasama nito.

“Ang arte niya ha!” komento pa ni Diddy.

Pinandilatan ito ng mata ni Rem na siyang nagpatahimik dito.

Ng makarating sa Canyon Cove ay agad silang iginiya ng mga tauhan ng resort patungo sa kanilang kwarto. Pangdalawahang tao ang naka-assign sa kanila samantalang sa mga tauhan naman ay
pantatluhan. Magkasama pa rin si Rem at Matt sa kwarto.

Matapos mag almusal ay nagsimula na ang mga activities. Nagumpisa ito sa Welcome Statement nina Earl at Rem na sinalubong ng masigabong palakpakan ng mga empleyado. Matapos ay sunod sunod na mga team building games naman. Hinati hati sila into 10 different groups. Bawat isang executivemay sariling grupo. Si Diddy at Rem ay magkasama sa Group 1. Nasa Group 2 naman si Matt at Zerk. Si Candice at Eva ay sa Group 3 samantalang nasa Group 4 naman ang Chief Financial Officer. Sa Group 5 ang Chief Operations Officer kasama si Percy. Sa Group 6 ang Chief Marketing Officer. Sa Group 7 ang Senior Vice-President for Human Resources, sa Group 8 ang Senior Vice-President for North & South
America sa Group 9 ang Senior Vice-President for Asia Pacific Operations at Group 10 and SVP for Europe & Africa.

Ang iba pang mga executives ay naikalat din sa sampung grupo. Una nilang nilaro ang Picture Perfect game kung saan magbibigay ng topic ang host at ang gagawin ng bawat grupo ay gagawa ng human
picture na related sa topic. Ang unang topic na ibinigay ay eksena sa delivery room. Kanya kanyang acting ang mga kasali. May tumayong baby, may naging ilaw, may nag doktor. Si Candice ang
nagpresentang nanganganak sa kanilang grupo. Pagkatapos niyon ay naka apat pang topics. Bawat isang grupo ay ijujudge base sa concept na iprinisinta nila.

Matapos ang picture perfect na game ay ang sariling version nila ng Bring Me. Taliwas sa orihinal na laro ay hindi sila maguunahan ng pagdadala ng mga gamit. Bagkus ay paramihan sila ng maiipong mga item. Bawat Item ay may kanya-kanyang points. Nung umpisa ay mga sapatos at medyas ang unang hiningi. Todo bigay ang lahat sa paghuhubad ng mga sapatos at medyas. Ng sumunod ay puting buhok naman ang hiningi ng host. Kawawa ang mga may edad sapagkat halos makalbo ang mga ito sa pagmamadali ng mga ka grupo na bumunot ng puting buhok mula rito. Sumunod na hiningi ay mga baby pictures. Kanya-kanya namang halungkat sa mga wallet ang lahat. Matapos ay humingi ito ng mga ID’s. Ang pinaka finale at pinakamataas na points ay mga underwears. Nung umpisa ay nagkakahiyaan pa sila. Ngunit ng makitang may mga naipon ng briefs, bra at panties ang ibang grupo ay kanya kanya ng sugod
sa restroom ang mga kalahok upang hubarin ang kani kanilang underwears. Nakisali na din dito si Rem. Samantalang si Diddy ay nahihiya dahil panty daw ang suot nito at nakalimutang mag suot ng bra.

Matapos bilangin ang mga items ay ideneklarang may pinakaraming points ang Group 3. Mas marami kasing babae sa Group 3 at game na game ang mga ito kung kaya’t halos doble ang dami ng underwears na naipon ng grupo.

Ang sumunod na laro ay inihalintulad sa Survivor Game kung saan may mga tasks na kailangang tapusin ang bawat grupo. May time limit ang bawat tasks. Ang bawat grupo ay magsisimula sa iba’t ibang tasks upang walang grupong magsabay sa isang task. Kapag natapos ng grupo ang task ay may reward items ang mga ito na siyang magagamit nila para sa final task. Kapag naman natapos nila ang task ng mas maaga ay additional points sila.

Ang grupo nina Rem ay nagumpisa sa Monggo Shooting Task. Kinailangan nilang wasakin ang bilog na japanese paper sa isang shooting target. Ang kailangan nilang gamitin ay monggo at straw. Kanya-kanyang kuha ng straw at dakot ng munggo ang bawat isa. Si Rem ay inilagay sa bibig ang mga monggo at saka isa-isang itinulak ang mga ito papunta sa nakasubong straw bago humihip ng pagkalakas lakas.

Maya-maya pa ay umulan ng monggo. May mga sumablay at may mga tumama.

“Masyadong matigas yung papel, basain nyo *** monggo para madaling mawasak”mataktikang utos ni Diddy.

Hanggang sa umulan ng laway at monggo. Walang humpay ang tawanan ng grupo. Tinanaw ni Rem ang kalabang grupo na kinabibilangan ni Matt. Pinipilit ng mga itong ubusin ang isang tray ng hilaw na sibuyas. Hindi maipinta ang pagmumukha ng mga ka grupo nito.

“Urkk, Uhmm…” si Diddy. Nabulunan ito ng monggo. Tawanan na naman ang lahat. Mabuti na lamang at nawasak nila ang papel bago ang itinakdang oras.

Sumunod nilang task ay mas mahirap. Kinailangan nilang paghiwahiwalayin ang mais, beans at peas na pinaghalo halo sa iisang lalagyan. Hindi nila natapos ang naturang task. Matapos niyon ay kinailangan nilang halughugin ang halamanan para sa isang plastik na itlog na may lamang numero. Nakapulot si Rem ng isa at ng buksan ay naroon ang Number 1. Agad niya itong iniabot sa nakatoka sa task na iyon at nang maunawan ang kailangang gawin ay pinaghinaan siya ng loob. Kung kanina ay pinilit ubusin nina
Matt at Zerk ang isang tray na sibuyas, sila naman ay kailangang ubusin ang tray ng hilaw na ampalaya na ibinabad sa asin. Hindi pa man nakakasubo ay naduduwal na si Diddy. Si Rem naman ay lakas loob na sumubo ng ilang piraso. Humalo ang pait at alat sa kanyang panlasa. Muntik pa niya itong nailuwa.

Naubos naman nila ang isang tray ng ampalaya. Matapos niyon ay sampung tasks pa ang sumunod. Maayos naman nilang naisagawa ang mga sumunod pang tasks. Hapon na ng matapos ang Survivor
Game. Matapos maglinis ay saka sila nananghalian. Magkakasama sa isang mesa sina Rem, Matt, Diddy, Eva, Zerk at Candice.

“Nalalasahan ko pa rin yung kinain nating ampalaya” reklamo ni Diddy.

“Ako naman yung sibuyas” dagdag naman ni Matt.

“Isang buwan akong hindi kakain ng ampalaya” sulsol pa ni Rem.

“Ang aarte nyo naman” si Candice.

Sabay-sabay tumingala ang tatlo at tiningnan ng masama si Candice.

“Ang swerte nyo nga at hilaw na itlog ang natoka sa inyo eh” singit naman ni Percy na patungkol kay Candice.

“I’m allergic to eggs, I get itchy and stuff” depensa naman nito.

“Ah kaya pala magaspang yung palad mo” pabulong na wika ni Diddy.

“What did you say?” 
tanong ni Candice.

“Nothing, Its not meant for you” nagtataray na sagot ni Diddy.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento